December 30, 1998

Anak,

Noong unang araw ng buwan ng Oktubre, makasaysayang taon ng sentenaryo, panahon ni Erap na dating pangulo (na hindi namin ibinoto, sa totoo lang), daig pa ang sigaw ng tagumpay ni Aguinaldo sa Kawit ang tuwa at ligaya na aming nadama sa pagsilang mo. Ang aming galak ay di kayang tapatan ng isang nanalo sa megalotto sa panahon ng debalwasyon, El Niņo at sunod-sunod na bagyo.

Samuelle Feliz, ang bagong mutya ng aming buhay. "Samuelle" na ang ibig sabihin ay bigay ng Diyos at "Feliz" naman ay maligaya. Maniwala kang tunay na ikaw ay isang maligayang biyaya ng Diyos sa amin ng iyong inay.

 
  Naubos ang barya ko sa kaliwa’t kanang pagtawag sa telepono (di pa kasi uso ang text nun) upang ikalat ang balita na sa wakas ay narito ka na at pagkaganda-ganda pa! Para akong umalokohan ng barangay o isang Katipunerong sumigaw sa Pugad Lawin na namaos ang boses sa kauulit ng ipinanganak ka nag ala una singkwenta’y kwatro ng hapon at seven pounds eleven ounces ang bigat. Biruin mo, pinarating ko pa ang balita sa ibang dako ng mundo sa pamamagitan ng internet. ( Oo naman, mayrun nang internet nun)

Nakipagunahan ako sa lola’t lolo mo sa nursery upang mayakap ka. At sa unang gabi, nagmistulang vigil ng EDSA ang magdamagang pagbabantay namin sa iyo ng nanay mo. Minamasdan sa bawat sandali ang iyong bawat galaw at pangangailangan. Tama rin si Ka Freddie Aguilar, ang aming kamay nga ay naging ilaw sa magdamag. Sa araw naman ay parang box office sa takilya ang pila ng mga bumisita sa iyo. Mantakin mo kung gaano kabusog ang tatay mo sa kakain ng mga cake na pasalubong ng mga dalaw mo.

Teka nga muna, maiba ako ng usapan anak, bago mo isiping puro biro ang liham kong ito. Ang pakay ko sa pagsulat ay upang maipaabot ko sa iyo at sa mga ka-edad mo (mga Gen-X or Z na?) ang aming mga pamana’t mithiin. Ika nga, para walang "generation gap."

Sa panahong mababasa mo ito, malamang nakalimutan na ang taong 1998. Makasaysayang taon ng iyong pagsilang hindi lang dahil sa bumagsak ang PAL o binombang muli ang Iraq, kundi dahil ito ang taon ng sentenaryo ng paglaya ng ating bayan. Taon ng pagsasaya’t pagdiriwang hindi lamang ng iyong mga magulang kundi ng buong sambayanan.

Maaring ang mapapanood mo na lang ay mga CD tungkol sa mabonggang selebrasyong naganap noong Hunyo 12, 1998 sa Kawit at Luneta. Malamang ang mga pelikula o palabas na lamang ang maglalahad sa iyo kung ano ang mga naganap noon sa bayang iyong sinilangan. Kung sisipagin kang magbasa’t manaliksik baka malaman mo pa kung magkano ang ginugol sa bawat proyektong para sa sentenaryo, ang mga kapalpakan o anomalya.

Maaring ang mga bayani ng bayan ay hindi kasing guapo nina Romnick Sarmienta, Julio Diaz, Albert Martinez o Cesar Montano na nagsiganap ng Gregorio del Pilar, Macario Sakay at Jose Rizal. Maari ring hindi kasing dramatic ang mga special effects, costume, iskrip at eksena sa aktwal na naganap. Ngunit tunay na dugo at buhay ang inialay kaya naging piyesta opisyal ang mga araw tulad ng Hunyo 12 at Nobyembre 30. Sana ang diwang ito’y hindi malunod sa inyong kasabikan na walang pasok…bakasyon na naman at puede muli ang gimmick.

"Malayang bayan"… tunay na magandang pakinggan. Ngunit anak, ang tunay na kwento ng paglaya ay puspos ng hirap at sakit. Itanong mo sa iyon inay ang kanyang dinanas sa pagluluwal sa iyo at baka matarok mo kung ano ang dapat pagdaanan at tiisin upang isilang sa maliwanag ang isang bayan.

Ang rebolusyon tungo sa paglaya ay hindi lamang pakikipaglaban sa kaaway. Ang paghihimagsik ay di lamang sa mga mapang-aping pamamalakad ng mga dayuhan kundi mas malalim na paghihimagsik sa baluktot at balikong pag-iisip na gumagapos sa ating bayan at pagkatao. "Duwag at maling akala na ang pikit matang pagsunod ay kabanalan, at ang mga mag-isip at magnilay-nilay ay kapalaluan," ang wika ni Rizal sa mga kababaihan ng Malolos. Baka isipin mo na ang katahimikan ay hindi katangian at okay lang ang mag-ingay. Depende anak, kung anong klaseng ingay.

"HOY Gising!" Gasgas na ang sigaw na ito sa taong-bayan na nagtutulog-tulugan, nagbubulag-bulagan at nagbibingi-bingihan. Samakatuwid, anak, ika’y manindigan kung kinakailangan. Kung hindi tayo, sino? Kung hindi ngayon, kailan pa?

Kaming mga magulang ay matagal nang hinikayat ni Rizal na "Gisingin at ihanda ang kalooban ng anak sa balanang mabuti at mahusay na akala: pagmamahal sa puri, matapat at matimtimang loob, maliwanag na pag-iisip, malinis na asal, maginoong ugali, may pag-ibig sa kapuwa at pagpipitagan sa Maykapal…" Sam, huwag mong isiping ang mga pangaral na ito ay panahon pa ng kopong-kopong at wala nang saysay.

Upang matamo ang tunay na kalayaan, kinakailangan ang patuloy na pagpupunla sa mga murang isipan ninyong mga kabataan kung ano ang matuwid. Ang buting itinuro sa amin nag ating mga ninuno ay aming ipinapasa sa inyo. Di maiiwasan na sa aming pagpaplaki at paghubog sa iyo, may mga pagkakataong sa wari mo’y malupit at mahigpit kami (KJ kung baga), ngunit huwag ka, " Ang laki sa layaw karaniwa’y hubad, sa bait at muni’t sa hatol ay salat; masaklap na bunga ng maling paglingap, habag ng magulang sa irog na anak." (Ito’y payo ni Francisco Balagtas at hindi "Jeproks" na sabi ni Mike Hanapol.) Totoo ngang " sa ikauunlad ng bayan, disiplina ang kailangan."

Malaking pananagutan at katungkulan na mamulat ka sa mga katotohanan at mahubog ka nang tama. "Ang bayan ay walang maaasahang karangalan at kaginhawaan habang liko ang pagpapalaki sa bata at lugami at mangmang ang babaing magpapalaki sa anak. Walang maiinom sa labo at mapait na bukal; walang mapipitas na matamis na bunga sa punlang maasim." Mabigat ba? Kung hindi mo masakyan, huwag kang mag-alala. Mangilang ulit na pagbabasa ng aklat ng buhay ang kinakailangan naming gawin bago ito naunawaan. Di ba, sa mata ng mga bata…ang ginagawa ng matanda ay siyang tama at dapat tularan?

Sana hindi na kailangan pang managhoy ang Inang Bayan na "Nasaan ang kabataang mag-uukol ng kanilang ginintuang oras, ng kanilang malilinis na adhikain at sigla sa ikabubuti ng bayan? Nasaan silang mag-aalay ng masaganang dugo upang mahugasan ang napakalaking kahihiyan, ang mga pagkakasala at mga gawang kasuklam-suklam?" Maaring ang iyong katanungan ay "Itay…Inay ginawa ‘nyo ba ito noong inyong kabataan?" Sa tutoo lang anak, hindi madali ang kasagutan. Maaring nagkulang kami sa panahon ng aming kabataan, kaya’t dalangin namin na sa pagiging magulang kami ay mahatulan.

Anak, maging masinop ka at huwag mag-aksaya ng talento at panahon. Alalahaning "…Ang yamang nawala’y mangyayaring magbalik, ngunit panahong nagdaan na’y di na muli pang madadaan." Napulot ko ito sa Kartilla ni Emilio Jacinto, sa tatay at lola ko, kaya’t nakakaseguro ako na uulitin mo ito sa iyong magiging mga anak at apo.

Ang wika ng iyong Lolo Jose na sa mismong petsang ito ay nagbuwis nag buhay sa Luneta, 102 taon na ang nakalipas: "Alalahaning lagi na walang hirap na di mababata ng bayaning puso, at walang pamanang higit na mapait kaysa pamanang kaalipustaan at kaalipinan. Imulat ang anak sa pag-iingat at pagmamahal sa puri, sa pag-ibig sa kapuwa at sa bayang tinubuan at sa pagtupad sa tungkulin. Ulit-uliting ituro sa kanilang matamisin ang marangal na kamatayan kaysa alipustang buhay." May kakulitan ngunit di hamak na tumpak.

Gustuhin man namin bilang magulang ay hindi namin kayang maipangako na lagi kaming narito upang sumaklolo sa iyo lalo na kung ang kinakaharap mong panahon ay mas maraming hamon, mas masikip na daigdig, mas sirang kalikasan, mas makasarili at materyosong lipunan. Sa iyo, anak, ang tanging pamana namin ng iyong ina ay mga pangaral sa kagandahang asal, mga gabay mula sa aming mga karanasan, magandang edukasyon at isang malinis at marangal na pangalan.

Samuelle Feliz, handog ng Diyos, hindi lang sana sa’min na iyong mga magulang ika’y maging isang maligayang biyaya kundi pati sa iyong kapuwa. "Hayo na ngayon di’t papag-alabin mo ang apoy ng iyong isip at talino, ang magandang ngala’y ihasik sa mundo at ipagbansagan ang dangal ng tao."

Nagmamahal,

Itay at Inay